Resulta ng NBI investigation laban kay Comelec chair Bautista, posibleng ilabas sa susunod na linggo

Sisikapin ng National Bureau of Investigation (NBI) na tapusin na sa susunod na linggo ang kanilang imbestigasyon kaugnay sa kontrobersyang kinasasangkutan ni Comelec Chairman Andres Bautista.

Kabilang sa nais matukoy ng NBI ay kung may katotohanan ba ang umano’y maling deklarasyon ni chairman Bautista sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth o SALN para sa taong 2016.
Magugunitang naglabas ang Department of Justice ng Department Order 517 na nag-uutos sa NBI na imbestigahan at magsagawa ng case-buildup sa mga alegasyon ng misis ni chairman Bautista na si Mrs. Patricia Paz.

Nais ding matukoy ng DOJ ang posibleng paglabag ni chairman Bautista sa Anti-Money Laundering Law.

Nauna nang naghain si Mrs. Bautista ng kanyang sinumpang salaysay sa NBI noong  August 1 kung saan inakusahan nito ang kanyang mister na si chairman Bautista na may tagong nakaw na yaman na aabot sa tinatayang P1-bilyong piso.

Sinabi ni Mrs. Bautista na hindi idineklara ni chairman ang ilang mahalagang impormasyon sa kanyang SALN kabilang na dito ang umano’y P329-milyon na yaman mula sa 35-passbook sa Luzon Development Bank, isang condominium unit sa San Francisco, California at isang condo unit sa One Bonifacio High Street sa BGC.

Sinasabing aabot lamang sa P176.3-million ang idineklarang networth ni chairman sa kanyang 2016  SALN.

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *