PCGG, iimbestigahan na rin si ComElec chairman Andres Bautista

Kinumpirma ni Justice secretary Vitaliano Aguirre II, na magsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang Presidential Commission on Good Government kay Commission on Elections chair Andy Bautista kasunod ng alegasyon sa kanya ng ill-gotten wealth.

Sa katunayan, nakipag-ugnayan na raw sina PCGG acting chairman Atty. Reynold Munsayac, Commissioner Rey Bulay at John Agbayani sa DOJ para i-presenta ang mga kaso na posibleng nalabag ni Bautista.

Sinabi din ni Aguirre na may karapatan ang PCGG na imbestigahan si Bautista lalo na sa mga transaksyon na pinasok nito sa panahon na pinamunuan nito ang komisyon.

Samantala, bumuo na ng special team ang National Bureau of Investigation (NBI) para tutukan ang imbestigasyon sa umano’y tagong yaman ni ComElec Chairman Andres Bautista.

Ang special team ay binubuo ng mga agent na mula sa intelligence service at investigative service.

Malaki rin umano ang maitutulong ng Anti-Money Laundering Council (AMLAC)sa pagsisiyasat para masuri ang mga bank account ni Bautista at makumpirma ang mga impormasyong isinumite sa NBI ng kanyang maybahay.

Pero nilinaw ni secretary Aguirre na hindi masisilip ng NBI at AMLAC ang mga bank accounts ni Bautista kung hindi ito magkukusang-loob na magpaimbestiga.

Nauna nang sinabi ni Aguirre na ang magiging resulta ng imbestigasyon ng NBI ay maaring gawing batayan para maisulong ang posibleng impeachment complaint laban kay Bautista.

Pero para maisulong ang criminal prosecution laban kay Bautista, kinakailangan pa munang hintayin na siya ay bumaba sa pwesto, matapos ang kanyang termino o di kaya ay maimpeach.

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *