Saturday, April 29, 2017
Home > National News > China, hindi mapipigilan sa planong pagtatayo ng monitoring station sa Panatag Shoal—Duterte

China, hindi mapipigilan sa planong pagtatayo ng monitoring station sa Panatag Shoal—Duterte


Hindi umano mapipigilan ng Pilipinas ang China sa plano nitong pagtatayo ng monitoring station sa Panatag Shoal.

Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, hindi mapipigilan maging ng Amerika ang China na gawin ang gusto nito sa South China Sea.

Nabatid na binabalak ng China na simulan ang kanilang preparatory work para sa pagtatayo ng environmental monitoring station sa mga isla sa South China Sea kabilang na ang Panatag Shoal.

Sinabi naman ni Duterte na hindi siya maaaring gumawa ng agresibong hakbang laban sa China na aniya’y kaibigan ng Pilipinas tulad na lamang ng Amerika at Russia.

Sakali raw na magdeklara ang pangulo ng giyera kontra-China ay malamang na mauubos ang militar at pulis ng Pilipinas.

Dagdag pa ni Duterte, wala naman siyang nakikitang masama sa ginawang pag-stop over ng mga survey ship ng China sa Benham Rise na sakop ng Pilipinas.

Ipinunto pa niya na ang Amerika nga ay araw-araw dumadaan sa Benham Rise kaya wala aniyang dahilan upang pagbawalan ang China.

Kaibigan din aniya ng Pilipinas ang China na tumutulong sa pagpapabuti sa ekonomiya ng bansa.

Ibinabala naman ni Senior Associate Justice Antonio Carpio, makukumpleto na ng China ang kanilang radar coverage sa buong South China Sea kapag natapos ang monitoring station sa nasabing mga isla.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *